"My Life Without Me" Yan ang kasalukuyang stage ng buhay ko ngayon… parang tipong living dead ika nga ng marami. Nararamdaman kong, ang pag-iral ko ngayon ay bunga lamang ng hangaring magpatuloy upang maranasan ang muling pagkabuhay.
Matagal na akong patay, siguro dalawampung taon na ang nakalilipas nang unti-unting iwanan ako ng aking sarili. Simula nang mamulat ako sa katotohanan ng buhay at nagkaroon ng mga responsibilidad na idinikta ng lipunang kinalakihan.
Nag-aral at pumasok sa eskwela upang magkaroon ng karunungang nararapat para sa isang babaeng lumalaki o nagdadalaga, nakihalubilo sa mga taong unti-unti ring namamatay, nangarap katulad ng tipikal na pangarap ng marami, ang makatapos sa pag-aaral, magkaroon ng magandang career, magkaroon ng magandang hanap-buhay, magkapamilya, yumaman, maging marangya, bumili ng mga naisin, magkaroon ng mga material na bagay na hinahangad din ng karamihan.
Lumigaya? Hindi ko alam… sapagkat ang mga panandaliang kaligayang nararanasan ko sa ngayon ay mababaw, hindi tumitiim at kayang burahin kaagad-agad ng mga mababaw at tipikal na problemang kinakaharap din ng mga katulad ko.
Sa gitna ng pagiging paslit o isang uugod-ugod na matanda ay kawalan… namuhay tayong parang mga patay o manikang de makina na pinapatakbo lamang ng hangaring mai-ahon ang pang-araw araw na buhay, yung tipong “just for the sake of survival”. Walang kahulugan, walang patutunguhan, mababaw, at mabilis ang pagdaan ng mga araw na halos paulit-ulit lang.
Alam ko, matagal pa bago ko muling maranasan ang “mabuhay” katulad ng mga batang paslit, na walang paki-alam at hindi apektado sa kababawan ng mga matatandang nakapaligid sa kanila. Kung maari ko lamang ibalik ang nakraan, napakasarap maging bata… ang maging totoo, inosente at makatikim ng totoong kaligayahan o ang makaranas ng totoong pait.
Sabi nga ng isang kaibigan, tayo ay nabuhay lamang ng totoo noong tayo ay mga batang paslit lamang at muling manunumbalik ito kapag tayo ay matandang ugod-ugod na, nakaupo sa duyan o tumba-tumba habang sinasariwa ang mga nakaraan at muling tinitimbang ang mga desisyon at mga karanasan bilang isang tao. Minsan ay mapapangiti tayo, o mapapaluha sa ating pagbabalik tanaw. Subalit mas mararamdaman natin ang pag-inog ng mundo, ang tibok ng ating puso, ang malalalim na buntunghininga, maging ang damyo ng hangin sa ating mga pisngi.
At handa kong hintayin ang mga sandaling iyun gaano man katagal, o ilang raw at taon mang paulit-ulit at walang kahulugan ang aking maranasan. Sa ngayon ihahanda ko na muna ang duyan o ang tumba-tumbang uupuan ko para sa pagdating ng panahong iyun.
Friday, February 15, 2008
HABANG AKO'Y WALA...............
Posted by $Un$HiNE kAeRAi at 9:53 PM
Labels: filipino, stuggles in life
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment